Sapagkat wala na akong masabi ngayong gabi, sapagkat hindi sapat ang salita bilang panukli sa iyong tingin, heto at humahabi ng tula mula sa hangin:

Sa Tabi ng Dagat
Ildefonso Santos

Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…

Advertisements