Matatapos na ang taon. May kirot akong nararamdaman, ngunit hindi ko siya mahanap sa lahat ng sulok ng aking katawan.

Lumbay
Rolando S. Tinio

Nalulumbay ang puno ng goma sa gilid ng bulibard
At ang puno ng akasya sa likod ng goma.
Mukhang uulan sa buong mundo.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.

Nalulumbay ang tubig na laging kulay-abo
At ang tatlong bapor na kulay-kalawang sa laot,
At sa likod, ang ulap na parang tinggang natunaw.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.

Nakatungo ang mga dahon ng niyog,
Marahang pakampay-kampay
Sa hanging humahampas, naglalarong
Anaki’y mga batang walang kamalay-malay
Sa talas-kutsilyo, talas-labaha ng lumbay.

At naalala ko ang isang awit na puno ng hinagpis,
Parang sugat na humahapdi, lalong tinitistis.
At naalala ko ang wala nang mahal ko
Na naparaan sa aking mundo,
Parang ulap na bumitin nang ilang saglit,
Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid
At, sa tingin ko, hindi na, hindi babalik.

Kausap ko ang mga kaibigan ko kanina. Kumustahan, kuwentuhan, tawanan. Tapos naalala ko ‘to.

Pagwawalay
Rolando S. Tinio

May mga kalungkutang hindi mabansagan,
Walang dahilan o katwiran,
Kinahihinatnan nang walang kamalay-malay:
May kaunting pangangatal sa ilang bahagi ng katawang
Unti-unti mong napapakiramdaman.
Tinutuluyan mo, o tumutuloy sa iyo,
Bahagyang pananamlay na hindi maiospital.
Ano ang gagawin nila sa ganito?
Kay raming higit pang nag-aagaw-buhay!

Kagabi, halimbawa, pagtalikod niya,
Paglalaho sa sulok na walang ilaw,
Para siyang hinigop ng dilim
Na kahit dahil lamang sa patay na ilaw,
Parang dilim ng—naku naman!—kamatayan.
At ikaw ang parang—paano nga ba?—pumanaw
O pinanawan.
                           Pinanawan
Ng lahat ng mga gunitang pinangalagaan:
Mga walang-buto’t-balat na musmos sa kandungan
O mga napakamaselang halaman, o ulap,
O buhay na buhay na pangarap
Na hindi marahil dapat pinagsakatawan.

At ngayon tuloy,
Pati gunita, gunita na lamang.
Parang hindi ikaw ang labis maligayahan.
Parang hindi sa dibdib mo lumatag ang kapayapaan.
Sa sandaling iyon, nawalay kang lubos
Sa sariling kilala mo kaninang-kanina lang
At hindi mahulaan—bakit pa aasahan?—kung kailan
Kayong muli—tiyak na hindi na!—magkakangitian.

Nakikinig kay Frank Sinatra at nagbabasa ng tula. Nararamdaman ang kirot sa puso at pinipigil ang luha.

Pasalitang Awit
Rolando S. Tinio

(Para kay Ella)

Sa iyo hahapon ang aking umaga,
Sintang maligalig kapag umaalon.
Kulubin mo ako sa usok at baga;
Ang bawat araw ko’y tulutang humapon.

Sa iyo pipitak, liwanag ng loob,
Mahal kong kay rupok, akala mo’y ulap.
Payapa kong ito’y payapa ng tulog,
At lalong payapa tuwing mamumulat.

Sa iyo tataas ang aking tanghali;
Lahat ng anino’y magtatalilisan.
Sa tanghaling tapat, ako ang itangi;
Kasuyo, huwag mo akong bibitawan.

Sa iyo lalatag, pilak ng ligaya,
Aakyat ang buwan, titining ang dagat.
Aba’y biglang-bigla, di halos makaya,
Hudyat ng tag-ulang bubugso, kakalat.

Pang-ilang beses ko na bang bumili ng Kristal Na Uniberso? Hindi ko na mabilang. Laging hinihiram, nawawala, pinupuslit, at hindi ko na mahanap. Parang napakaraming taong nangangailangan ng mga tula.

Kanina
Rolando S. Tinio

Sa almusal kanina, namagitan sa atin
Ang dalawang basong tsaa at kubong asukal,
Ang dalawang bilog ng matamis na tinapay,
Ang pagbanghay sa pandiwang inuunlapian,
Mga tanong-sagutan, walang kabagay-bagay,
Pakulang-tingin, palihim na pakiramdaman,
At wari’y pagkabigat-bigat na pananamlay
Dala ng kagabing pagkakahimbing na kulang.

Nagsimulang bumalong sa aking kalooban,
Halos dalamhating walang ngalan, walang saysay,
Parang sinat o panlalatang palatandaan
Ng totoong karamdamang saka pa dadalaw.

At nabatid kong muli ang lubhang pag-iisa,
Ang makubkob sa sariling alaala lamang,
Sa mga iniisip na walang matutunguhan.
Sa ilang sandali, namamahay pala kita
Sa katahimikang walang bintana, pintuan.